MANILA, Philippines – Pormal nang nanumpa si dating Commission on Audit (COA) Chairperson Gamaliel Cordoba bilang ika-196 na Associate Justice ng Korte Suprema noong Huwebes, Nobyembre 19.
Pinangasiwaan ni Chief Justice Rodil Zalameda ang panunumpa sa Supreme Court En Banc Session Hall sa Maynila, na sinaksihan ng pamilya ni Cordoba, mga kapwa mahistrado at opisyal ng hudikatura.
Pinalitan ni Cordoba si Associate Justice Amy Lazaro-Javier, na nagretiro noong Nobyembre 16 matapos maabot ang mandatory retirement age.
Si Cordoba ang ikatlong itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Korte Suprema.
Bago ang kaniyang pagkakatalaga, nagsilbi siyang COA chairperson mula 2022 hanggang 2026 at commissioner ng National Telecommunications Commission (NTC) mula 2009 hanggang 2022.
Naging director din siya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at humawak ng iba’t ibang posisyon sa Office of the President mula 2001 hanggang 2007.
Nagsilbi rin si Cordoba bilang external auditor ng International Labour Organization noong 2022 at 2023.
Kabilang sa kaniyang natanggap na pagkilala ang Presidential Medal of Merit noong 2010 at Order of the Rising Sun, Gold Rays with Neck Ribbon mula sa pamahalaan ng Japan noong 2023.
Nagtapos siya ng undergraduate at law degrees sa Ateneo de Manila University at naging abogado noong 1997. Jocelyn Tabangcura-Domenden