Home NATIONWIDE Lacson, kinontra pahayag ni Sara na malalim korapsyon sa gobyerno

Lacson, kinontra pahayag ni Sara na malalim korapsyon sa gobyerno

1
0

MANILA, Philippines – Tinutulan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na malalim nang nakaugat sa burukrasya ng pamahalaan ang korapsyon, at iginiit na hindi ito dapat iugnay sa lahat ng lingkod-bayan.

Sa isang post sa X, sinabi ni Lacson na bagama’t umiiral ang korapsyon sa iba’t ibang bahagi ng burukrasya, hindi nangangahulugang lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan ay sangkot dito.

“I beg to disagree. Such a statement is far too sweeping. Corruption may exist across the bureaucracy, but it does not define everyone,” ani Lacson.

Binigyang-diin din ng senador na may mga eksepsiyon sa bawat antas at sangay ng pamahalaan, kabilang ang Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura.

Nauna rito, inilarawan ni Duterte ang korapsyon bilang isang “progressive disorder” na malalim nang nakatanim sa DNA ng pamahalaan.

Sa isang social media post nitong Miyerkules, Nobyembre 18, sinabi ng Bise Presidente na malaking hadlang ang korapsyon sa pagkamit ng mas magandang kinabukasan para sa mga Pilipino dahil pinagkakaitan nito ang publiko ng mas maraming oportunidad at kaunlaran.

Hinimok din niya ang mga mamamayan na sumunod sa batas, tanggihan ang korapsyon, pangalagaan ang kanilang mga komunidad, makilahok sa demokrasya at manawagan ng pananagutan mula sa mga namumuno.

Samantala, nahaharap si Duterte sa impeachment trial sa Senado kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth at hindi wastong deklarasyon ng mga ari-arian at interes sa negosyo.

Batay sa ulat ng prosecution witness na si financial forensic analyst Alexander Cabrera, umabot umano sa P817.87 milyon ang hindi naideklarang yaman at kita nina Duterte at asawang si Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.

Itinanggi ng Bise Presidente at ng kaniyang defense team ang mga paratang.

Pagsapit ng Biyernes, Nobyembre 20, umabot na sa ika-45 araw ang impeachment proceedings laban sa Bise Presidente. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here