DAVAO, Philippines – Iniulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council-Davao (RDRRMC-11) na apat ang nasawi at 23 ang sugatan sa Davao Region matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Lunes.
Ayon sa bulletin ng RDRRMC-11, apektado ang 42 barangay at umabot sa 8,322 pamilya o 18,384 katao ang nawalan ng tirahan o naapektuhan ng pagyanig.
Sa bilang na ito, 1,544 pamilya ang nananatili sa 14 evacuation centers, habang pitong pamilya naman ang piniling manatili sa ibang lugar o sa kanilang mga kamag-anak.
Naitala rin ang 98 nasirang bahay, kabilang ang 12 na totally damaged at 86 na partially damaged.
Tinatayang ₱500,000 ang pinsala sa imprastraktura gaya ng mga kalsada, tulay, at pantalan sa Davao City, Davao del Sur, at Davao Occidental.
Ayon pa sa ulat, 49 na lokal na pamahalaan ang nagsuspinde ng klase at trabaho bilang pag-iingat.
Nagkaloob na rin ng ₱2.04 milyong halaga ng humanitarian assistance, kabilang ang food at non-food items mula sa DSWD-11 na nagkakahalaga ng ₱1.48 milyon at ₱565,256 mula sa Office of Civil Defense.
Itinaas ng RDRRMC-11 sa red alert ang Emergency Operations Center, inaktiba ang response clusters, at nagpadala ng air assets para sa aerial survey.
Bumisita rin ang mga opisyal ng RDRRMC-11 sa Jose Abad Santos, Davao Occidental upang beripikahin ang ulat, alamin ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad, at tukuyin ang mga kinakailangang tulong at interbensyon.
Nakatakda rin silang magsagawa ng field visits sa iba pang apektadong barangay para sa mas malalim na pagtatasa ng pinsala at pagtukoy ng mga prayoridad sa recovery efforts. RNT/MND