MANILA, Philippines- Patuloy ang pagsisikap ng PH Embassy team para mahanap ang apat na nawawalang mga Filipino teacher na nananatiling ‘unaccounted’ matapos ang malakas na lindol na tumama sa Myanmar noong nakaraang linggo.
Dumating ang team mula sa Philippine Embassy sa Mandalay at kagyat na sinimulan ang paghahanap sa mga ospital kung saan dinala ang survivors at mga biktima ng lindol.
Sa kabilang dako, umaasa naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) na buhay na mahahanap ang apat na guro.
Naniniwala ang embahada na nasa loob ang mga ito ng gusali ng Sky Villa sa Mandalay nang tumama at humagupit ang lindol.
“We’re doing everything we can,” ang sinabi ni Undersecretary Ed De Vega mula sa Office of Migration Affairs ng DFA.
“Unfortunately, [while] hope remains, the bodies that have been discovered are in such advanced decomposition that they had to be cremated immediately. We’re holding onto the hope that our fellow citizens are not among them or that they are still alive,” dagdag niya.
Sinabi pa ni De Vega na: “We can’t definitively say they are under the rubble, but we’re exploring all possibilities, including that possibility.”
Bagama’t ang mga pangyayari ay kahila-hilakbot, mayroon pang pag-asa base sa mga nakaraang rescue missions.
Inalala ni DFA Assistant Secretary Robert Ferrer ang survivors na natagpuan ilang linggo matapos ang 1990 Baguio earthquake.
“The encouraging news from the Pines Hotel was that two weeks later, they discovered survivors in the debris. We’re praying for a similar outcome here,” ayon kay Ferrer.
At upang mas mabilis ang paghahanap sa mga nawawalang guro, nagbigay ang DFA sa searchers ng identification information ng mga guro, ibinigay ito ng kanilang pamilya sa Pilipinas.
“Families have also shared distinguishing marks to aid our team on the ground in verifying and ensuring that all possible avenues are explored,” ang tinuran naman ni DFA Director Catherine Alpay.
Sa kabilang dako, isang emergency response team ang idineploy at nagtatakda na ng operasyon sa isa sa ‘hardest-hit areas’ ng Myanmar. Habang ang mga pamilya ng mga nawawalang guro ay sabik para sa balita, ang team ay kasalukuyan ngayon na nasa Naypyidaw, na inorganisa ng lokal na pamahalaan.
“The decision about where our contingent will work isn’t up to us; it’s dependent on the host government. Right now, I believe the first group has been sent to Naypyidaw,” ang sinabi naman ni Senior Special Assistant Winston Dean Almeda.
Kinapanayam naman ng embahada ang 11 Pinoy na nailigtas mula sa Sky Villa.
“These individuals have been very helpful to our embassy team in identifying their friends,” ang sinabi ni Alpay.
Habang umuusad ang sitwasyon, nagsagawa ng plano na ilipat ang mga nailigtas na mga Filipino mula Mandalay tungong Yangon, lalo pa’t ang iba’t ibang istraktura sa Mandalay, kabilang na ang mga eskwelahan ay itinuturing na hindi ligtas.
“The embassy has informed us that schools are preparing for their transfer, as the buildings in Mandalay are not secure,” ang pagkumpirma ni Alpay.
Samantala, may ilang Pinoy sa Myanmar ang nagpahayag na nais na nilang umuwi ng Pilipinas at ang Philippine Embassy sa Myanmar kasama ang Philippine Embassy sa Thailand ay kasalukuyang minamadali ang prosesong ito. Kris Jose