Home NATIONWIDE Suplay ng kuryente sapat para sa dry season, eleksyon – DOE

Suplay ng kuryente sapat para sa dry season, eleksyon – DOE

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa publiko na may sapat na suplay ng elektrisidad sa bansa para makapagbigay ng kuryente para sa nalalapit na dry season at 2025 elections.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, sinabi ni DOE Assistant Secretary Mario Marasigan na patuloy silang nagsasagawa ng simulasyon upang masiguro na walang mangyayaring kawalan ng suplay ng elektrisidad sa mga susunod na buwan.

“Lahat ng paraan ay ating sinisikap para makasigurado tayo na ang ating supply ng kuryente ay sapat at hindi po tayo magkakaroon ng problema,” ang sinabi ni Marasigan.

Kabilang naman sa simulasyon ng DOE ang ‘temporary shutdown’ ng liquefied gas facility ngayong buwan ng Abril para sa maintenance work.

Bilang resulta ng shutdown, inaasahan na ang power plant ay makakayang magbigay ng mas mataas na halaga ng elektrisidad mula sa kasalukuyang 1,300 megawatts hanggang 2,500 megawatts sa kalagitnaan ng Mayo.

“Nagbigay daan ito para magkaroon at makapasok ng serbisyo yung pinatawag natin na onshore gas storage facility na dati o sa kasalukuyan ay umaasa tayo sa floating storage… Kailangan natin mapatakbo na ang Unit 1 para madagdagan ang kapasidad na magiging available para sa ating mga planta,” ang tinuran ni Marasigan.

Bilang tugon sa tumataas na temperatura, siniguro ni Marasigan na itinaas ng Energy Department  ang “peak demand projection” nito para sumunod sa inaasahang paggamit ng elektrisidad bilang tugon sa tumataas na heat index.

“Isinama na po natin yan doon sa ating simulation kung saan sa halip po na mag-rely lang tayo doon sa ating peak demand forecast, inihalo na po natin ‘yung magiging epekto ng mainit na kapaligiran. Kung kaya’t itinaas na po natin yung antas ng ating peak demand projection, para po matugunan naman ang ating supply,” ayon pa rin kay Marasigan.

Samantala, sinabi ng DOE na pinagana nito ang Energy Task Force on Elections para ihanda ang ilang lugar at pasilidad para sa kanilang pangangailangan sa elektrisidad sa panahon ng 2025 polls.

“Dalawang beses na po tayo nagkaroon ng pakikipag ugnayan sa Commission on Elections… Nakapagbigay na rin po tayo ng ating abiso sa lahat po nating stakeholders, the power industry, para ano po ba yung mga dapat gawin natin ngayon,” ang pahayag ni Marasigan.

Kabilang sa paghahanda para sa eleksyon ay pagbabawal sa productive o pagkukumpuni at maintenance ng elektrisidad mula isang linggo bago pa ang eleksyon hanggang isang linggo matapos ang eleksyon, at maging ang full-capacity operations para sa lahat ng power plants.

“Naglabas na po tayo ng ating kalatas na dapat sa ngayon pa lang, naging inspection na po sila ng kanilang linya ng kuryente para po pagdating ng election, tayo ay handa at 100% ready kung anuman ang mga pangangailangan natin,” aniya pa rin.

Samantala, hinikayat naman ng departamento ang publiko na sumunod sa Energy Efficiency and Conservation Program, at maging mas madiskarte kung paano ito gagamit ng elektrisidad.

“Hindi naman po kailangan na magtipid talaga ng kuryente. Ang kailangan lang po natin ay masinop na paggamit ng kuryente. Yung gagamitin lang natin ng kuryente kung kailan natin kailangan,” giit ng opisyal. Kris Jose