MANILA, Philippines- Apat na Pilipinong pulis ang nahatulang guilty nitong Martes sa pagpatay sa mag-ama, ayon sa mga opisyal ng korte, sa kaso ng law enforcement officers na inuusig sa pakikibahagi sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kapwa sinintensyahan ang apat na low-ranking officers ng hanggang 10 taong pagkakakulong sa pagbaril sa dalawang biktima sa Manila sa anti-drug police operation noong 2016, ayon kay Manila regional trial court judge Rowena Alejandria sa kanyang hatol na binasa sa korte nitong Martes.
“It must be worthy to note that the accused themselves did not deny their presence and participation in the police operation conducted, the same event where the victims Luis and Gabriel (Domingo) were killed,” pahayag ni Alejandria.
Libo-libong drug suspects ang napatay ng mga pulis at hindi kilalang gunmen sa kampanya ng administrasyong Duterte, na inilarawan ng mga kritiko bilang state-sponsored extrajudicial killings at kasalukuyang iniimbestigahan ng International Criminal Court.
Hindi napigilang maiyak ng partner ni Luis Bonifacio na si Mary Ann Domingo, nang marinig ang hatol sa tig-dalawang counts of homicide, na binasa sa northern Manila courtroom.
Inatasan din sina Manila policemen Virgilio Cervantes, Arnel de Guzman, Johnston Alacre at Artemio Saguros na magbayad ng tig-P300,000 ($5,120) danyos sa pamilya ng mga biktima.
Ayon sa pamilya, higit isang dosenang pulis ang nakibahagi sa pagsalakay sa komunidad sa northern Manila.
Inilahad nilang hindi sangkot ang dalawa sa droga at hindi rin armado nang magpaputok ng baril ang mga pulis.
Iginiit naman ng defendants ang self-defense, at sinabing armado ang mga suspek at binaril sila.
Subalit, ibinaba ng state prosecutors ang kaso sa homicide, sa halip na murder, laban sa apat na pulis.
Batay sa opisyal na datos, mahigit 6,000 indibidwal ang napatay sa police anti-narcotics operations.
Subalit, sa pagtataya ng rights groups, higit pa rito, karamihan ay mahihirap na kalalakihan, ang napatay ng mga pulis at vigilantes, kahit walang pruwebang sangkot ang mga ito sa droga.
Iniimbestigahan ng International Criminal Court ang drug crackdown, kung saan sinabi nito noong 2021 na ito ay tila “widespread and systematic attack against the civilian population took place pursuant to or in furtherance of a state policy”.
Kumalas ang Pilipinas sa ilalim ni Duterte sa ICC noong 2019.
Tumanggi rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., humalili kay Duterte, na makiisa sa ICC probe, sa pagsasabing ang Manila ay may functioning judicial system. RNT/SA