Home HOME BANNER STORY 4 patay, 12 sugatan sa rescue vehicle na inanod sa spillway

4 patay, 12 sugatan sa rescue vehicle na inanod sa spillway

204
0

MANILA, Philippines – Apat ang nasawi habang 12 ang sugatan makaraang anurin sa spillway ang isang rescue vehicle sa La Libertad, Zamboanga del Norte.

Ayon sa ulat, ginamit ang isang excavator para iahon ang rescue vehicle na nahulog sa Dapitan River sa Barangay El Paraiso noong Lunes.

Kabilang sa mga nasawi ang 37-anyos na barangay captain sa Dumingag, 11-anyos nitong anak, at dalawa pang babaeng kamag-anak.

Samantala, dinala sa ospital ang 12 sugatang indibidwal para gamutin.

Ang lahat ng mga ito ay miyembro ng isang religious group.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana ang mga biktima mula sa isang fellowship activity sa Calamba, Misamis Occidental.

Naghanap sana ng shortcut ang drayber bago ang naturang aksidente.

“Yung time na yun papauwi na sila. Nagtanong sila kung saan ang shortcut so may nagturo sa kanila papunta sa Mutia. Nakakapanlumo lang dahil naabutan sila ng baha. Baha yung nakaabot sa kanila sir,” sinabi ng isang saksing residente na si Henz Aronda Manta sa panayam ng GMA News.

“Siguro, akala ng driver, kaya lang. Nag-gamble siya na dumaan and according sa report na natanggap natin habang dumadaan siya sa spillway, dahil sa lakas ng current, nahulog yung isang gulong niya sa spillway hanggang sa nahulog na nga ang buong sasakyan, naanod sila,” ayon naman kay Police Major Shellamie Chang, Police Regional Office 9 spokesperson.

Dinala sa Dumingag ang lahat ng mga nasawi at nakaligtas.

Nilinaw naman ng Dumingag local government unit na pinayagan nito ang mga biktima na gamitin ang rescue vehicle.

“Si kapitan ang siyang lumapit at humingi ng pahintulot na gamitin yung rescue vehicle kasi dadalo ng two-days fellowship doon sa Calamba. Pinahintulutan yon. May request letter sila. Legal ang pagbiyahe nun,” pahayag ni Francisco Batoon Jr, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office chief of operations. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here