Home METRO 4 patay sa gas poisoning sa loob ng tunnel

4 patay sa gas poisoning sa loob ng tunnel

BAMBANG, Nueva Vizcaya- Sinalubong na ni kamatayan ang apat na katao matapos malason ng methane gas sa isang tunnel sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang mga nasawi na sina Dionisio Alisen, 62, mula Antutot, Kasibu; Jeremias Padilla, 64, residente ng Sawmill, Mabuslo, Bambang; Selvino Mendoza, 63, residente ng Banggot, Bambang at Marlon Mateo Orden, 38, Barangay Kagawad at residente ng Barangay Magsaysay Hill sa bayan na nabanggit dito sa probinsya ng Nueva Vizcaya.

Una rito, agad na rumesponde si Kagawad Orden nang malamang na-trap ang tatlong biktima sa loob ng isang tunnel subalit maging siya ay hindi na nakalabas sa butas na mahigit sa 10 metro ang lalim.

Dito naman sumunod si Marlon Siopon, 32, na tinalian ang sarili ng lubid bago bumaba sa butas subalit nang makarating ito sa loob ay nakalanghap siya ng kakaibang amoy na sinundan ng biglaang pagkahilo.

Ayon Siopon, agad niyang hinila ang lubid bilang hudyat na kailangan siyang hilain pataas subalit bago pa man siya mahila ay nawalan na ito ng ulirat.

Bumalik na lamang ang kanyang malay, ilang minuto ang nakalipas matapos itong mailabas sa hukay.

Samantala, dahil sa kawalan ng sapat na kagamitan ay agad namang humingi ng tulong ang mga kinauukulan sa rescue personnel ng Didipio Mine ng OceanaGold na nakabase sa Kasibu Nueva Vizcaya na agad namang rumesponde dala ang kanilang mga makabagong equipment.

Dakong alas-3 ng hapon nang umpisahang pasukin ang hukay kung saan nailabas na wala nang buhay ang unang biktima na sinundan ng ikalawang biktima na nailabas naman dakong alas-6:04 ng gabi.

Ang nasabing retrieval operation ay isinagawa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pinagsama-samang pwersa mula sa Red Cross, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRRMO, at Municipal DRRMO, Bambang Police Station, OceanaGold recue team at ang Bureau of Fire Protection o BFP.

Nasawi ang mga biktima dahil sa methane gas na mula sa loob ng hukay dahil na rin sa kakulangan ng oxygen at maswerteng nakaligtas ang isang biktima. Rey Velasco