Home METRO 2K residente sa village sa Taguig 6 araw nang walang tubig

2K residente sa village sa Taguig 6 araw nang walang tubig

MANILA, Philippines- Aabot sa 2,000 residente ng isang village sa Taguig ang halos isang linggo nang walang tubig makaraang hindi makapagbayad ang kanilang organisasyon sa konsumo ng tubig sa Manila Water na nagkakahalaga ng P5 milyon.

Ang mga residenge ng Palar Village ay nagtitiyaga na lamang sa limitadong suplay ng tubig sa loob ng anim na araw matapos putulin ng Manila Water ang suplay ng tubig sa kanilang lugar.

Napag-alaman na nag-ugat ang pag-alis ng suplay ng tubig ng Manila Water matapos hindi makapagbayad ang Inner Port Neighborhood, na siyang nakatalagang maningil ng konsumo ng tubig ng mga residente sa naturang village na nagdulot ng pagkakautang na umabot sa P5 milyon.

Ayon kay Barangay Pinagsama Chairperson Ma. Victoria Mortel, nakalikom na sila ng P650,000 noong nakaraang linggo ngunit sinabi ng Manila Water na hindi pa rin ito ang sapat na halaga para muling maibalik ang koneksyon ng kanilang suplay ng tubig.

Ang Palar Village ay nakapailalim pa rin sa bulk metering dahil ang lupang kinatatayuan nito ay pag-aari ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Sa kasalukuyan ay pansamantalang umaasa na lamang sa itinalagang fire trucks ang mga residente sa suplay ng tubig ngunit hindi lahat ng nasasakupan ng village ang nakikinabang dito.

Ipinaliwanag naman ni Mortel na kanilang isasaayos ang distribusyon ng libreng patubig kung saan magtatalaga sila ng anim na istasyon sa village upang mas mapabilis ang serbisyo sa mga naapektuhan ng pagkakawala ng suplay ng tubig ng Manila Water sa lugar. James I. Catapusan