CAGAYAN- Patay ang apat na katao matapos magsalpukan ang sinasakyan nilang Isuzu canter at kasalubong na elf truck noong Biyernes sa bayang ng Gattaran.
Kinilala ang mga nasawi na sina Kennedy Alversado, driver ng Isuzu Canter double cab na may plakang ABB-5929, at mga sakay nitong sina Jenet Ann Olivas, Jerome Castro, at Jimmy Olivas.
Sugatan naman ang driver ng Isuzu Elf truck na may plakang NFT-780 na si Jimmy Calimag.
Batay sa report ng Gattaran Police Station, umaga ng Biyernes nang maganap ang insidente sa national highway na sakop ng Barangay Lapogan ng naturang bayan.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, binabaybay ng mga biktima ang nasabing kalsada patungong Tuguegarao City habang papunta naman ang Calimag sa Aparri, Cagayan.
Bigla na lamang sinalubong ni Calimag ang mga biktima dahilan para sumalpok ito sa Isuzu Canter.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nayupi ang sasakyan ng mga biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Dinala naman sa ospital si Calimag para lapatan ng lunas ang tinamo nitong sugat.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at inihanda na rin ang posibleng mga kasong isasampa laban kay Calimag. Mary Anne Sapico