Home METRO Cebu isinailalim sa state of calamity sa El Niño

Cebu isinailalim sa state of calamity sa El Niño

CEBU CITY- Isinailalim sa state of calamity ang buong probinsya ng Cebu dulot ng matinding pinsala ng El Niño phenomenon sa mga pananim at kabuhayan ng mga residente.

Sa ipinalabas na executive order ni Gov. Gwendolyn Garcia na inaprubahan ng provincial board, inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na magdeklara ng state of calamity ang buong probinsya ng Cebu.

Ayon kay Garcia, ang matinding init ay naging malaking banta sa pangkabuhayan lalo na sa agrikultura, pangingisda at mga alagang hayop, gayundin sa provincial at district hospitals dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit sanhi ng matinding init ng panahon.

Naging banta rin sa buhay at mga ari-arian ng mga Cebuano ang pagkakaroon ng grass fire at mataas na paggamit ng elektrisidad dahilan para magkaroon ng rotational outage.

Sa pamamagitan ng pagdeklara ng state of calamity sa buong probinsya ay lalong mapabibilis ang paglalabas ng pamahalaan panlalawigan calamity funds o quick relief funds para mabawasan ang epekto ng tagtuyot. Mary Anne Sapico