Home NATIONWIDE 4 Pinoy crew ng barko na kinubkob ng Iran, palalayain na –

4 Pinoy crew ng barko na kinubkob ng Iran, palalayain na –

MANILA — Apat na Pilipinong sakay ng sasakyang-dagat na nahuli ng Iranian forces ang sinabihan ng mga nanghuli sa kanila na “malapit na silang palayain,” sabi ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs ngayong Martes, Abril 16.

Ang apat na Pilipino ay kabilang sa mga tripulante ng MSC Aries na kinubkob ng mga pwersang Iranian malapit sa Strait of Hormuz bilang tugon sa pag-atake ng Israel sa konsulado nito sa Syria.

“Walang may gusto sa ganitong sitwasyon but they had been told that they will release soon — lahat sila, lahat ng seafarers,” ani DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa ANC.

Sinabi ni De Vega na nakatakda niyang makipagkita sa Iranian ambassador sa Martes tungkol sa pagpapalaya sa mga Pinoy.

Sinabi rin ng opisyal na ang apat na Pilipino ay pinahintulutan ng mga Iranian na makipag-ugnayan sa kanilang mga pamilya, at bawat isa sa kanila ay nakipag-usap sa kanilang mga kamag-anak sa loob ng isang oras. RNT