Sinabi ng isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) na sinundan ng China Coast Guard ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) vessel na BRP Hydrographer Ventura at ang Philippine Coast Guard (PCG) escort nito na BRP Gabriela Silang sa West Philippine Sea.
Ayon kay Coast Guard Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea, na binabantayan ng China Coast Guard vessel ang Ventura at Silang,na magsasagawa ng week-long hydrographic survey sa north-western Luzon area.
“Hindi totoo ‘yong sinasabi ng China na they are only deploying their vessels on those areas na hindi tayo nagho-honor ng gentleman’s agreement,” sinabi ni Tarriela sa press briefing,na tinutukoy ang kasunduan umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping na panatilihin ang “status quo” sa Ayungin Shoal, kung saan matatagpuan ang tumatandang BRP Sierra Madre.
“It just goes to show na ang China Coast Guard, nagde-deploy din sila in other areas sa exclusive economic zone natin para i-impose ‘yong paniniwala nila na legitimate ang nine-dash line,” saad ni Tarriela.
Iginiit ni Tarriela ang karapatan ng Pilipinas na magsagawa ng pananaliksik sa teritoryo nito sa loob ng 200-nautical miles exclusive economic zone, ayon sa pinasiyahan ng 2016 arbitral award.
Ang retiradong US Air Force Col. Ray Powell, director ng SeaLight, isang maritime transparency project na sumusubaybay at nag-uulat ng mga aktibidad sa South China Sea, ay nag-post sa X ng satellite image na nagpapakita ng presensya ng CCG 5303 35 nautical miles lamang mula sa baybayin ng Luzon noong unang bahagi ng Linggo umaga malapit sa Ventura at Gabriela Silang. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)