Home HOME BANNER STORY PH Visa naaabuso, pamamahagi pinahihigpitan ni PBBM

PH Visa naaabuso, pamamahagi pinahihigpitan ni PBBM

MANILA, Philippines – NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mas mahigpit na pagpapatupad ng visa rules sa Pilipinas dahil sa mga ulat na pang-aabuso.

Tinanong kasi ang Pangulo sa isang ambush interview sa Cagayan de Oro City kung may pangangailangan na magpatupad ng mas mahigpit na visa restrictions sa mga mamamayan ng Tsina na pumapasok sa bansa.

Naniniwala ang Pangulo na mahigpit ng binabantayan ang usapin ito hindi lamang sa isang partikular na mamamayan ng ibang nasyon kundi sa lahat ng mga dayuhan na nakakukuha ng pekeng dokumento para lamang makapasok sa Pilipinas.

”Let me explain. Walang stricter rules kahit sa kanino. Pare-pareho lang ang rules sa lahat ng ating mga kaibigan na nanggagaling. Ang problema lang dahil maliwanag na maliwanag at lumalabas ang mga report na mayroon nag-aabuso nito. Kaya babantayan namin ito,” ayon sa Chief Executive.

”So, what we will do is to more strictly enforce. Whereas dati hindi natin masyadong tinitingnan, nakita natin maraming nagiging problema dahil diyan nakakakuha sila ng mga peke na dokumento, kung ano-ano ginagawa, may mga illegal, mga scammer, mga may human trafficking. Maraming problemang dala,” dagdag pa nito.

Tiniyak naman ng Pangulo na mas pagbubutihin pa ng pamahalaan ang regulasyon sa eksaminasyon o pagsusuri para sa visa applicants at para sa mga nagpapa-convert ng kanilang tourist visas sa student visas.

”Pantay-pantay lang lahat pero gagandahan namin ang enforcement doon sa examination doon sa mga nag-a-apply ng visa o doon sa mga nagko-convert doon sa tourist visa na student visa, at ‘yung mga bumibili ng lupa dahil [nagpapanggap] sila na Pilipino sila,” ayon kay Pangulong Marcos.

‘‘Yung mga ganong klaseng — ito ‘yung mga nakikita nating scammer, mga human trafficking, ‘yun ang binabantayan namin. Kahit naman sino basta’t ginagawa nila ‘yan, huhulihin natin,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na ang paghihigpit sa visa requirements sa mga Chinese tourists ay makatutulong sa Pilipinas na protektahan ang national security nito, lalo pa’t isinasangkot sa maraming ilegal na aktibidad ang mga Chinese nationals.

Naniniwala kasi si Immigration spokesperson Dana Sandoval na habang ang turismo ay napakahalaga sa ekonomiya ng bansa, kailangan din ng gobyerno na magpatupad ng mahigpit na hakbang para protektahan ang public interest. Kris Jose