Home NATIONWIDE NTF-ELCAC ‘di bubuwagin – PBBM

NTF-ELCAC ‘di bubuwagin – PBBM

MANILA, Philippines – WALANG nakikitang dahilan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sinabi ng Pangulo na hindi naman lingid sa kanyang kaalaman na may mga militanteng grupo ang makailang ulit na nananawagan sa kanya at sa gobyerno na lusawin na ang NTF-ELCAC dahil sa di umano’y kasanayan nito na pagre-red-tag sa mga indibiduwal.

Para sa Pangulo, kailangan na hayaang isagawa ng NTF-ELCAC ang kanilang importanteng misyon.

“Ito nga. Ako na magtatanong sa inyo: Bakit lagi niyong tinatanong sa akin ‘yan? Wala namang dahilan kung bakit natin tatanggalin ‘yan. Ang sinasabi, dahil mayroon daw red-tagging na ginagawa,” sa isang ambush interview sa Cagayan de Oro City.

“Hindi naman gobyerno gumagawa noon. Kung sinu-sinong iba ang gumagawa noon. Quite the opposite,” aniya pa rin.

Sinabi pa ng Pangulo naipagpapatuloy ng anti-insurgency task force ng gobyerno ang paglilinis sa natitirang barangay mula sa insurgency.

“Tatapusin namin kasi mayroon pa yatang iilan na barangay na hindi pa natapos. May iilan pa na mga returnees na hindi pa nabigyan ng tulong,” ayon sa Chief Executive.

“Kaya nakakuha ako ng report kanina. Tatapusin namin lahat ‘yan bago natin pag-isipan na mai-ano ‘yung NTF-ELCAC. Tanggalin na natin ‘yan NTF-ELCAC pagka hindi na kailangan,” aniya pa rin.

Samantala, sa ulat, mariing tinutulan ng National Security Council ang panawagan ng mga makakaliwang grupo na buwagin ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ang panawagan ay ginawa ng Karapatan, Gabriela, at Human Rights Watch (HRW), at iba pang mga kaalyado ng kilusang komunista matapos na ideklara ng Korte Suprema na ang “red-tagging” ay banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga mamayan, na maaring maging basehan sa pagkakaloob ng protection order.

Binigyang diin ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na walang basehan ang naturang panawagan.

Nilinaw ni Malaya na hindi tinukoy ng Korte Suprema ang NTF-ELCAC na sangkot sa “red-tagging”, at hindi kasama ang NTF-ELCAC sa kasong dinisisyunan ng Kataas-taasang hukuman.

Giit ni Malaya, malinaw na isang pagtatangka lang ang naturang panawagan na pigilan ang pagkamit ng pamahalaan ng “complete victory” laban sa Communist Party of the Philippines (CPP). Kris Jose