Home HOME BANNER STORY 4 retired SC justices, gagabay sa impeachment court sa voting threshold

4 retired SC justices, gagabay sa impeachment court sa voting threshold

1
0

MANILA, Philippines – Itinalaga ng Senate Impeachment Court ng tatlong retiradong Chief Justice ng Korte Suprema at isang retiradong Associate Justice bilang amici curiae o “kaibigan ng korte” upang gabayan ang korte kung kailangan bang baguhin ang bilang ng boto para makonvict o ma-acquit si Vice President Sara Duterte.

Haharap sa impeachment court sa Setyembre 16 sina dating Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno, kasama si dating SC Associate Justice Adolfo Azcuna, para magbigay ng ekspertong paliwanag sa isyu.

Samantala, magpapasa naman ng legal memorandum si dating Chief Justice Hilario Davide Jr., na siya ring presiding officer sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada.

“Ang impeachment court ay hindi magpapabaya sa constitutional math sa hula o pagkakataon… Matagumpay nating nakuha ang pormal na partisipasyon ng mga legal luminaries… para magbigay ng kanilang expert advisories sa Senado,” sabi ni impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol sa isang pahayag.

Ayon kay Tongol, bibigyan ng oras ang tatlong retiradong justices para magpresenta ng kanilang argumento sa session hall. Ang memorandum naman ni Davide ay direktang ilalagay sa record. Pagkatapos nito, papayagan ang mga senator-judge na magtanong.

“Dahil ang amicus curiae ay nagbibigay ng legal doctrine, hindi factual evidence, at ang constitutional right sa cross-examination ay para lang sa fact witnesses, hindi sa mga scholar na nagpapayo sa korte, ang mga legal panel ay uupo at makikinig lang sa buong presentation,” dagdag niya.

Itinalaga ni Presiding Officer Francis Escudero ang mga amici curiae matapos hilingin ni Senator-judge Erwin Tulfo noong Martes na balikan ang hatol nito sa voting threshold.

Sa simula ng trial, sinabi ni Escudero na mananatili ang 16 boto ang kailangan upang  ma-convict si Vice President Sara Duterte. Pero nagtanong si Tulfo kung dapat bang balikan ito dahil sa tatlong senador na hindi pa nakadalo kahit isang araw sa trial.

Kabilang sa hindi nakakadalo sa paglilitis sina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta na kapwa nakakulong sanhi ng kasong plunder. Hindi rin nakakadalo na si Senador Loren Legarda dahil lumipad patunong France para magpagamot at Senador Ronald “Bato” dela Rosa na nagtatago sa batas.

Sa Setyembre 23, bibigyan ng 15 minuto ang prosekusyon at depensa para sa kanilang oral arguments tungkol sa isyu. Pagkatapos nito, boboto ang mga senator-judge kung babaligtarin ang 16-vote requirement.

Sino ang mga amici curiae:

1.     Artemio Panganiban – Naging ika-21 Chief Justice ng Korte Suprema mula Disyembre 2005 hanggang Disyembre 2007. Itinalaga siya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos maging associate justice mula 1995 hanggang 2005. Pumapangalawa siya sa 1960 Bar Exams.

2.     Reynato Puno – Sumunod kay Panganiban bilang Chief Justice. Itinalaga rin siya ni Arroyo. Naging associate justice din siya sa ilalim ni Pangulong Fidel Ramos. Sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, siya ay naging chairman ng Consultative Committee para repasuhin ang 1987 Constitution.

3.     Hilario Davide Jr. – Isa sa 50 miyembro ng 1987 Constitutional Commission. Naging chairman ng COMELEC noong 1988 bago italaga bilang associate justice ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1991. Siya ang ika-20 Chief Justice na itinalaga ni Pangulong Estrada at tinaguriang “Centennial and Millennial Chief Justice.”

4.     Adolfo Azcuna – Kabilang din sa mga bumuo ng 1987 Constitution. Naging presidential legal counsel, press secretary, at presidential spokesperson ni Aquino. Naging associate justice siya sa ilalim ni Arroyo, at mula 2014 hanggang 2019 ay naging isa sa limang commissioner ng International Commission of Jurists. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here