MANILA, Philippines — Apat sa bawat 10 kabataang Pilipino edad 11 hanggang 17 ang walang kahit isang “active day” sa loob ng isang linggo, ayon sa bagong global estimates ng World Health Organization (WHO).
Ang “active day” ay araw kung kailan nakagagawa ang isang kabataan ng hindi bababa sa 60 minutong moderate-to-vigorous physical activity tulad ng mabilis na paglalakad, pagbibisikleta, paglalaro ng sports o iba pang aktibidad na nagpapabilis ng tibok ng puso.
Batay sa WHO data, tinatayang 40% ng mga adolescent sa Pilipinas ang walang naitalang active day sa nakaraang linggo, kabilang ang bansa sa may mataas na antas ng physical inactivity kasama ang Namibia at Nepal.
Sa buong mundo, isa sa bawat apat o tinatayang 240 milyong kabataan edad 11 hanggang 17 ang walang kahit isang active day sa loob ng isang linggo.
Sa average, 2.7 araw lamang kada linggo nagiging physically active ang mga adolescent, habang 14% lamang ang nakapagtala ng hindi bababa sa 60 minutong physical activity sa lahat ng pitong araw.
Mas kapansin-pansin din ang gender gap. Sa buong mundo, 28% ng mga batang babae ang walang active day kumpara sa 22% ng mga lalaki.
Tanging 11% ng girls ang aktibo araw-araw kumpara sa 17% ng boys, ayon sa WHO.
Nagbabala ang WHO na ang physical inactivity ay isang pangunahing risk factor para sa heart disease, type 2 diabetes at ilang uri ng cancer.
Mahalaga rin ang regular na physical activity sa mga bata at adolescent para sa bone health, muscle development, motor at cognitive development at pangkalahatang kalusugan.
Batay sa pag-aaral na inilathala sa The Lancet Global Health, halos walang naging pagbabago sa physical activity levels ng mga adolescent sa buong mundo sa nakalipas na 15 taon.
Saklaw ng pag-aaral ang 389 population-based surveys mula sa 140 bansa at teritoryo at mahigit 3.2 milyong adolescent.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, hindi sapat na sabihan lamang ang mga kabataan na maging mas aktibo.
Aniya, kailangang magkaroon ng mga paaralan, kalsada at komunidad kung saan ligtas, madali at normal para sa mga kabataan ang paglalakad, paglalaro at iba pang physical activities.
Binanggit din ng WHO ang access sa ligtas na public spaces, walking at cycling routes, school environment, social norms at screen-centered lifestyles bilang ilan sa mga salik na nakaaapekto sa pagiging aktibo ng mga kabataan. RNT