MANILA, Philippines – Apat na specialty hospitals na pinapatakbo ng Department of Health (DOH) ay makakatanggap ng karagdagang P1 bilyon sa ilalim ng 2026 budget.
Ang apat na ospital ay ang Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Heart Center.
Bahagi ito ng pagsisikap na palawakin ang Zero Balance Billing (ZBB) services na pinasimulan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isang social media post, ipinahayag ni Health Secretary Ted Herbosa ang kanyang pasasalamat kay Marcos sa alokasyon, na naglalayong palakasin ang Universal Health Care system.
Bilang mga korporasyon na pag-aari at kontrolado ng gobyerno ang apat na ospital ay karaniwang may 70 porsiyentong pribadong bed capacity at 30 porsiyentong pampubliko.
Sa karagdagang budget, ang mga pampublikong serbisyo, kasama ang ZBB, ay palalawakin, na magpapahintulot sa mas maraming pasyente na makakuha ng mga komplikadong medikal na procedure nang walang out-of-pocket expenses.
Unang ipinatupad ang ZBB sa mga ospital ng DOH kasunod ng 2025 State of the Nation Address, na nakinabang sa higit sa isang milyong pasyente bago natapos ang taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden