Home HOME BANNER STORY 4 sugatan sa Bicol sa bagyong Aghon

4 sugatan sa Bicol sa bagyong Aghon

MANILA, Philippines – TINATAYANG apat na katao ang nasugatan sa Bicol Region bunsod ng patuloy na paghagupit ng Tropical Storm Aghon na nakaapekto sa ilang bahagi ng bansa.

Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ngayong araw ng Linggo, Mayo 26, na sa kanilang 8 a.m. latest situational report , wala namang nasawi o nawawala dahil sa naturang bagyo.

Winika ni Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Edgar Posadas na naapektuhan na ni Aghon ang 2,734 katao o 513 pamilya sa 18 barangay sa Bicol Region at Eastern Visayas.

Sa kabuuan, may 523 katao o 34 pamilya ang nanunuluyan na sa mga evacuation centers.

Tinuran ni Posadas na ang food at non-food items ay nakahanda na, ginawa ito kapwa ng OCD at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa regional offices para dagdagan ang mga resources ng local government units.

“Ang binabantayan natin dito hindi masyado ‘yung hangin, but ‘yung buhos ng ulan lalo na’t didikit siya nang medyo malapit dito sa Metro Manila,” anito.

“The tropical storm severely damaged four houses in Eastern Visayas and partially damaged 17 others,” ayon sa NDRRMC.

May kabuuan namang 46 lungsod at munisipalidad ang nakaranas ng power interruptions dahil kay Aghon.

Ang suplay ng kuryente sa 27 lugar ay naibalik na habang ang suplay ng kuryente naman sa 19 na lugar ay nananatiling apektado.

Ang linya ng komunikasyon sa dalawang lugar sa Bicol Region ay apektado rin ng tropical storm.

May pitong domestic flights at 48 seaport trips ang kanselado.

Samantala, sinabi naman ng NDRRMC na ang kanselasyon ay nagresulta ng 5, 969 na na-stranded na pasahero sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Central Visayas, at Eastern Visayas. Kris Jose