CEBU CITY, Philippines — Dahil sa pagiging dismayado at sa kapaguran nang maging solong breadwinner o tumutustos sa pangangailangan ng kanyang pamilya, tinangka ng isang binata na sunugin ang kanilang bahay sa Sitio Center, Barangay Bacayan, Cebu City nitong Martes ng gabi, Hulyo 2, 2024.
Kinilala ang suspek na si John Lloyd Arcilla Oporto, 23, isang construction worker, at nakatira kasama ang kanyang mga magulan na pawang residente ng nasabing barangay.
Bandang alas-7:30 ng gabi noong Martes, Hulyo 2, nakatanggap ng tawag ang Talamban Police Station mula sa kapitbahay ng suspek, na nag-aalerto sa kanila ng insidente ng sunog.
Ayon kay Police Major Alvino Bagnol Enguito, chief of police ng Talamban Police Station, kaagad na dumating sa lugar ang mga bumbero upang rumesponde.
Gayunpaman, naapula na ang apoy ng mga residente sa lugar dahil maliit lang umano ito.
Dagdag pa ni Enguito na nakainom nang mga panahong iton ang suspek na umaming sinimulan ang sunog dahil sa kanyang pagkadismaya na siya lamang ang nagtatrabaho para masuportahan ang kanyang mga magulang.
Nang dumating ang mga pulis sa kanyang bahay, nanlaban umano si Oporto pero naaresto rin kalaunan.
Maaaring maharap ang suspek sa kasong paglaban at pagsuway sa isang taong may awtoridad, at mga alarma at iskandalo, ayon kay Enguito. RNT