THE HAGUE, Netherlands – Inatasan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang isang bagong komprehensibong medical examination kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang matukoy kung siya ay sapat ang kalusugan upang humarap sa paglilitis na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30.
Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga.
Muling bubuuin ng ICC ang parehong independent medical panel na nagsuri sa kanya noong pre-trial stage. Binubuo ito ng mga eksperto sa forensic psychiatry, geriatric at behavioral neurology, at neuropsychology.
Hiniling ng depensa ang panibagong pagsusuri noong Mayo 25 dahil umano sa patuloy na paglala ng kondisyon ni Duterte. Hindi naman ito tinutulan ng prosekusyon.
Ayon sa Presiding Judge na si Joanna Korner, mahalagang matiyak na kayang gamitin ng akusado ang kanyang mga karapatan para magkaroon ng patas na paglilitis.
“The concept of ‘fitness to stand trial’ must be viewed as an aspect of the broader notion of fair trial…”
Ipinaliwanag ng korte na dapat kayang maunawaan ng akusado ang mga sakdal, sundan ang mga pagdinig, maintindihan ang mga ebidensiya, makapagbigay ng tagubilin sa kanyang abogado, at makapagpasya kung magsasalita siya o hindi.
Gayunman, nilinaw ng ICC na hindi awtomatikong nangangahulugan na hindi na maaaring litisin ang isang tao dahil lamang sa kanyang karamdaman.
“The question of whether an accused is fit to stand trial does not depend, in and of itself, on whether he or she has particular medical conditions…”
Inatasan ang medical panel na ihambing ang kasalukuyang kalagayan ni Duterte sa kanilang ulat noong Disyembre 2025 at alamin kung kaya niyang sumailalim sa full-time trial schedule na gaganapin mula Lunes hanggang Biyernes.
Dapat isumite ng mga eksperto ang kanilang findings sa Agosto 18, habang hanggang Agosto 31 naman ang mga panig upang magsumite ng kanilang komento bago magpasya ang korte kung matutuloy ang paglilitis ayon sa iskedyul.
Samantala, pinayagan din ng ICC ang kahilingan ng depensa na paluwagin ang ilang restriksyon sa komunikasyon ni Duterte at magdagdag ng isang tao sa kanyang listahan ng mga maaaring makontak.
Ayon sa korte, may karapatan ang mga detainee na makipag-ugnayan sa pamilya at iba pang tao, ngunit maaari pa ring limitahan ito kung makaaapekto sa kaso o sa karapatan ng iba.
Sinabi ng mga hukom na wala namang naitalang paglabag si Duterte sa kasalukuyang mga restriksyon kaya pinayagan ang kahilingan, ngunit mananatili pa rin ang umiiral na monitoring at contact restrictions. RNT/MND