ALBAY- Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang apat na suspek sa pananambang sa dating punong-barangay sakay ng kanyang sasakyan noong Biyernes sa bayan ng Daraga.
Ayon sa Albay-PNP, nagsasagawa na sila ng manhunt operation laban sa apat na suspek na responsable sa pamamaril sa sasakyan ni dating PB Anislag, Daraga, Albay Alwin Nimo, 38.
Batay sa report, bandang alas-9:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa Barangay Mariawa, Legazpi City habang sakay si Nimo ng kanyang bulletproof Chevrolet Suburban na may plakang ZWK-111 nang paulanan ng mga bala mula sa matataas na kalibre ng armas ng apat na suspek saka mabilis na tumakas.
Wala namang nasaktan sa pamamaril. Apat ang kasama ni Nimo sa sasakyan kabilang ang kanyang driver at dalawang bodyguard.
Sa rekord ng pulisya, sinabi na si Nimo ay dating Sangguniang Kabataan chairman mula 1996 hanggang 2002 at naging barangay chairman ng Barangay Anislag, Daraga 2007-2018.
Dagdag pa ng pulisya, noong nakalipas na taon, buwan ng Pebrero, naging self-confessed jueteng bagman at whistleblower si Nimo matapos maghain ng kaso laban sa opisyal ng gobyerno na tumatanggap ng P8.1 milyon “protection money” mula sa mga financer ng illegal numbers game jueteng sa loob ng tatlong taon.
Inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung may kinalaman ang pamamaril sa naturang kaso. Mary Anne Sapico