ISABELA, Philippines – Sinalubong na ni kamatayan at pinaglalamayan na ng kanilang pamilya’t kamag-anak sa karambola ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng pambansang lansangan na nasasakupan ng Rizaluna, Alicia, Isabela.
Una rito, habang binabagtas ng trailer truck ang national highway patungong timog na direksyon ay bigla umanong nabitak ang harapang gulong nito dahilan upang mawalan ng kontrol ang tsuper at bumangga sa kasalubong na Multi-Purpose Vehicle (MPV) at isang motorsiklo bago tuluyang sumalpok sa isang puno sa gilid ng kalsada.
Apat sa anim na magkakapamilyang sakay ng MPV ay binawian ng buhay habang ang dalawang iba pa, kabilang ang isang bata ay nagtamo ng matinding pinsala sa katawan o sugat.
Nagtamo rin ng matinding physical injury ang rider ng motorsiklo habang hindi naman gaanong nasaktan ang dalawang lulan ng trailer truck.
Napag-alaman na magbabakasyon lang sana ang pamilyang sakay ng MPV.
Kaugnay nito, mayroong narekober na dashcam mula sa MPV na gagamiting ebidensya sa isinasagawang pagsisiyasat upang matukoy ang sanhi ng insidente na pagkasawi ng apat na katao. (REY VELASCO)