Home NATIONWIDE 40 importer, customs broker kinasuhan sa smuggling — BOC

40 importer, customs broker kinasuhan sa smuggling — BOC

222
0

MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Bureau of Customs (BOC) na aabot sa 40 importer at lisensyadong customs broker ang nahaharap ngayon sa kasong kriminal dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Bahagi ito ng pinaigting na kampanya kontra smuggling ng BOC kung saan nakapagsampa na ng 14 kasong kriminal sa Department of Justice mula Hulyo 1, 2025 hanggang Pebrero 16, 2026 — unang pitong buwan ng panunungkulan ni Customs Commissioner na si Ariel Nepomuceno.

Ayon sa BOC, sangkot ang mga kaso sa iba’t ibang ilegal na importasyon tulad ng technical smuggling, maling deklarasyon, at undervaluation ng mga produkto upang makaiwas sa tamang pagbabayad ng buwis at taripa.

Bukod dito, nakapagtala rin ang ahensya ng apat na hatol na guilty laban sa mga sangkot sa naunang kaso ng smuggling mula nang maupo si Nepomuceno noong Hunyo 30, 2025.

Binigyang-diin ng BOC na patunay ito ng kanilang determinasyon na hindi lang magkumpiska ng kontrabando kundi panagutin din ang mga responsable sa ilegal na pag-aangkat.

Iginiit naman ni Nepomuceno na tuloy ang proteksyon sa lehitimong kalakalan habang hahabulin ang mga smugglers at mandaraya sa buwis.

Samantala, nauna nang iniulat ng BOC na umabot sa P61.7 bilyon ang kabuuang nasamsam na smuggled goods noong 2025.

Pinakamalaki rito ang iba’t ibang produkto na nagkakahalaga ng P28.47 bilyon, sinundan ng pekeng produkto na P17.72 bilyon, at ilegal na droga na P5.63 bilyon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here