Nilamon ng apoy ang isang gusali na nakaapekto sa 40 pamilya sa Parañaque City nitong Miyerkules ng hapon, Hunyo 25.
Base sa inisyal na report ng Parañaque City Bureau of Fire Protection (BFP), nasunog ang isang residential apartment na matatagpuan sa 39 Pagtakhan Bldg., Bayanihan Street, Brgy. Baclaran, Parañaque City.
Bandang ala 1:13 nang itinaas ang unang alarma at makaraang ang 30 minuto ay inanunsyo ang fire under control dakong ala 1:43 ng hapon.
Wala namang naiulat na nasaktan o namatay sa naturang sunog na idineklarang fire out dakong alas 2:23 ng hapon.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang dahilan at pinagmulan ng apoy gayundin ang halaga ng pinsala ng naturang sunog.
Naghayag din ng pasasalamat ang Parañaque City Fire Station sa mga rumespondeng bumbero mula sa karatig lungsod gayundin sa lokal na barangay at fire volunteers na nagpakita ng kanilang buong suporta at pagtulong sa pag-apula ng sunog.
Kasabay nito, naramdaman ng mga biktima ang presensya ng bagong halal na alkalde na si Mayor Edwin L. Olivarez na agad namang nagbigay ng tulong sa mga pamilya na naapektuhan ng sunog.