Home NATIONWIDE Pagkakaroon ng relasyon hindi katwiran sa panghahalay — Korte Suprema

Pagkakaroon ng relasyon hindi katwiran sa panghahalay — Korte Suprema

(c) Remate File Photo

Iginiit ng Supreme Court (SC) na ang pag-amin ng isang biktima na siya ay nasa isang relasyon sa kaniyang abuser ay hindi nangangahulugang pumapayag siya sa pakikipagtalik.

Ito ang nakasaad sa desisyon ng SC Second Division kung saan hinatulang guilty ang isang lalaki sa panggagahasa sa isang 14-anyos na babae.

Ginamit ng lalaki ang “sweetheart theory” bilang depensa. Hindi niya umano pinilit ang biktima na makipagtalik sa kaniya dahil mayroon silang romantic relationship.

Pero sabi ng Korte, hindi sapat ang depensang mayroon silang relasyon dahil kailangang may malinaw na katibayan ng consent.

Si Toralde ay hinatulan ng Regional Trial Court na guilty sa sexual abuse sa ilalim ng Anti-Child Abuse Law (Republic Act No. 7610). Ang desisyon ng RTC ay pinagtibay ng Court of Appeals.

Bagamat pinagtibay ang hatol na guilty, sinabi ng Korte Suprema na si Toralde ay nagkasala ng panggagahasa sa ilalim ng Revised Penal Code dahil kumpleto ang lahat ng elemento ng krimen, kabilang ang paggamit ng mga pagbabanta at pananakot para sa sapilitang pakikipagtalik.

Tinanggihan ng Korte ang depensa ni Toralde at binigyang-diin na ang pagkakaroon ng isang relasyon ay hindi nagbibigay ng karapatan para sa sapilitang pakikipagtalik. Dagdag pa nito, ang depensa ng pagkakaroon ng romantikong relasyon ay hindi sapat at kailangang may malinaw na katibayan ng consent o pagsang-ayon.

Si Toralde ay sinentensiyahan ng parusang reclusion perpetua o maximum na 40 taon na pagkakakulong at inutusang bayaran ang biktima ng PHP 225,000 bilang danyos.

(Teresa Tavares)