MANILA, Philippines – Hihingi ng tulong ang mga imbestigador sa labas ng bansa para makakuha ng submersible remote robots upang suyurin ang ilalim ng Taal Lake matapos ibunyag ng whistleblower na si alyas “Totoy” na itinapon doon ang mga labi ng mga nawawalang sabungeros.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Remulla na inatasan na niya ang kanyang mga tauhan na bumalangkas ng sulat sa Japanese government para humiling ng remote operating vehicles at mga kagamitan upang ma-map ang lake bed ng Taal at makita kung anong mga sediments ang pwedeng suriin upang mahanap ang mga labi.
Ang Taal Lake ay bumabaybay sa ilang bayan ng Batangas at may lalim na 109 talampakan.
Naniniwala si Remulla na may kredibilidad ang mga ibinunyag ni “Totoy.”
Hindi rin aniya maaaring idaan sa out of court settlement ang kaso bunsod ng dami ng mga naging biktima.
“Itong 34, ito lang ang talagang hinanap ng mga pamilya at tuloy-tuloy na naghahanap sila kaya nagkaroon talaga ng interes ang estado rito. Hindi pwedeng aregluhin ang ganoong kaso, mass murder ‘to,” ani Remulla.