MANILA, Philippines — Umabot sa 40 subpoena ang inisyu ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng imbestigasyon sa tangkang pagpupuslit sa Pilipinas ng humigit-kumulang P3.5 bilyong halaga ng shabu mula Laos.
Ang mga subpoena ay kaugnay ng 11 persons of interest na naunang tinukoy ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kaso.
Kabilang sa mga pinangalanan si dating Bangsamoro Parliament member Edriezan Hadji Nasser Rimbang, na iniuugnay ng mga awtoridad bilang umano’y financier ng operasyon.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na si Rimbang umano ang nagpondo sa chartered private plane na gagamitin sa pagdadala ng droga mula Laos patungong Pilipinas. Wala pang nailalabas na pahayag si Rimbang hinggil sa alegasyon.
Tinatayang P11 milyon umano ang ginastos para sa private aircraft na gagamitin sana sa operasyon.
Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang apat sa 11 persons of interest matapos umanong mabigong matagpuan sa mga address na kanilang ginamit.
Nasabat ng mga awtoridad sa Laos noong Oktubre 1 ang 521 kilo ng hinihinalang shabu sa Luang Prabang International Airport. Tinatayang P3.54 bilyon ang halaga nito at iniimbestigahan ang impormasyon na nakatakda umano itong dalhin sa Pilipinas.
Patuloy ang case buildup ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency upang matukoy ang posibleng local network at iba pang sangkot sa operasyon. Sinabi ng PNP na ang anumang hakbang ay ibabatay sa ebidensiya at dokumentong makakalap sa imbestigasyon.
Samantala, ipinatawag din ng House Committee on Dangerous Drugs sina Remulla at PDEA Director General Isagani Nerez para sa preliminary briefing hinggil sa kaso.
Ayon sa komite, tatalakayin sa briefing ang status ng imbestigasyon, batayan ng posibleng Philippine connection sa shipment at mga hakbang upang mapigilan ang transnational drug trafficking. RNT