RIYADH — Isang katao ang nasawi habang walo ang nasugatan sa pag-atake sa King Fahd International Airport sa Dammam, eastern Saudi Arabia, nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa General Authority of Civil Aviation (GACA) ng Saudi Arabia, iba-iba mula minor hanggang serious ang tinamong pinsala ng mga biktima.
Patuloy ding sinusuri ng mga awtoridad ang lawak ng pinsalang natamo ng airport facilities matapos ang insidente.
Hindi naman tinukoy ng GACA sa paunang pahayag kung anong uri ng pag-atake ang naganap o kung sino ang nasa likod nito.
Naganap ang insidente sa gitna ng serye ng pag-atake laban sa mga pasilidad sa Saudi Arabia nitong mga nakaraang araw.
Nitong Miyerkules, iniulat din ng Saudi-led coalition na may na-intercept at nawasak na drone na patungo sa Eastern Province, ngunit hindi pa direktang iniugnay ng mga awtoridad ang insidenteng iyon sa pag-atake sa King Fahd International Airport.
Patuloy ang assessment at imbestigasyon ng mga kinauukulang awtoridad sa insidente. Dave Baluyot