MANILA, Philippines — Isasailalim sa red at yellow alert ang Visayas power grid ngayong Huwebes, Oktubre 22, dahil sa kakulangan ng available power supply at limitadong pag-angkat ng kuryente mula Mindanao.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), paiiralin ang red alert mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi, habang yellow alert naman mula alas-6 hanggang alas-7 ng gabi.
Itinataas ang red alert kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente upang tugunan ang consumer demand at regulating reserve requirement ng transmission grid.
Yellow alert naman kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency reserve requirement.
May available capacity na 2,608 megawatts ang Visayas grid laban sa inaasahang peak demand na 2,581 MW.
Samantala, aabot sa 599.1 MW ng generating capacity ang hindi available sa grid.
Kabilang sa mga dahilan ng power supply constraint ang unavailability ng malalaking coal-fired power plants na PEDC 3 at KSPC 1 sa Visayas.
Limitado rin ang power imports mula Mindanao dahil sa planned outages ng GNPK 4 at TSI 2 at unplanned outage ng Pulangi 4 Unit 2.
Ayon sa NGCP, limang planta ang nasa forced outage ngayong Oktubre habang mayroon pang ibang generating units na matagal nang unavailable mula pa noong mga nakaraang buwan at taon.
May 21 power plants din na tumatakbo sa derated capacity o mas mababa sa kanilang normal na generating capability. Dave Medina