MAYNILA — Umabot sa tinatayang 40 toneladang basura ang nakolekta ng pamahalaang lungsod sa loob lamang ng 24 oras sa paligid ng Liwasang Bonifacio kasunod ng magkakasunod na malalaking pagtitipon na ginanap sa lugar nitong mga nakalipas na araw.
Sa panayam ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) kay Manila Department of Environment and Public Services (DEPS) Director Kenneth Amurao, katumbas umano ito ng 13 trak ng basura na nahakot mula madaling araw ng Martes hanggang umaga ng Miyerkules.
Karamihan sa mga nakolektang basura ay mga pinagkainan, bote, plastik, at iba pang lalagyan ng inumin na iniwan ng mga dumalo sa mga aktibidad sa lugar.
Matatandaang nagsagawa ng protesta ang mga kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio noong Martes ng umaga. Pagsapit ng hapon ay pinalitan naman sila ng mga raliyistang mula sa Batangas na nanatili sa lugar hanggang Miyerkules.
Muling bumalik sa Liwasang Bonifacio ang mga kasapi ng INC madaling araw ng Miyerkules para sa isang maghapong programa, dahilan upang magpatuloy ang pagdami ng mga taong dumaraan at nagtitipon sa nasabing lugar.
Sa kabila nito, agad namang kumilos ang mga tauhan ng DEPS upang tiyaking hindi magtatagal ang mga basurang naiwan at hindi maaapektuhan ang kalinisan ng isa sa mga pangunahing pampublikong lugar sa lungsod.
Sinabi ni Amurao na tuluyan nang nalinis ang Liwasang Bonifacio matapos isailalim sa flushing o paghuhugas gamit ang tubig ang buong lugar. Sa kasalukuyan, maayos na muli ang kondisyon ng parke at handa na itong magamit ng publiko. JAY REYES