MANILA, Philippines – Target ng Department of Agrarian Reform (DAR) na makapagpamahagi ng 300,000 hanggang 400,000 land titles sa mga magsasaka bago matapos ang 2025, ayon kay Secretary Conrado Estrella III.
“Itong taon na ito sa palagay ko ang aming trajectory will be about 300,000 to 400,000 na mga titulo na ang tagal-tagal pong hinintay ng ating magsasaka,” aniya.
“Yung iba naghihintay ng 15, 20, meron pa naghihintay ng 30 years at sa wakas natatanggap nila itong mga titolong ito,” dagdag pa ng kalihim.
Tugon ito sa panawagan ni Pangulong Marcos Jr. na pabilisin ang agrarian reform at maibigay ang mga matagal nang hinihintay na titulo—ang ilan ay halos 30 taon nang inaantay.
Mula nang maupo si Marcos, mabilis na lumaki ang bilang ng pamamahaging titulo—mula 26,000 noong 2022 hanggang higit 100,000 ngayong 2024.
Kasabay nito, ipinapatupad din ng DAR ang New Agrarian Emancipation Act na nagkakansela ng hindi nabayarang utang sa lupa.
Nagbibigay rin ang DAR ng tulong tulad ng farm-to-market roads, irigasyon, at makinarya. Tiniyak ni Estrella ang suporta ng ahensiya sa Bagong Pilipinas para sa mas maunlad na buhay ng mga magsasaka. Santi Celario