MANILA, Philippines — Mahigit 41,000 botante na ang nakapagparehistro para sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at sa kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ayon sa Commission on Elections.
Batay sa datos hanggang Marso 3, umabot sa 41,477 ang mga bagong rehistradong botante, kabilang ang 20,551 babae at 20,926 lalaki.
Pinakamataas ang bilang ng mga nagparehistro sa Maguindanao del Norte na may 9,860, kasunod ang Lanao del Sur na may 8,570, Basilan na may 6,421, at Maguindanao del Sur na may 6,019.
May 5,377 namang registrants sa Tawi-Tawi, kabilang ang 330 na nagparehistro sa pamamagitan ng Register Anywhere Program sites.
Pinakamababa naman ang bilang ng mga rehistrado sa Special Geographic Area sa Cotabato na may 5,230.
Ipinagpatuloy ng Comelec ang voter registration sa rehiyon noong Pebrero 9. Orihinal itong nakatakdang magtapos sa Marso 30 ngunit pinalawig hanggang Marso 31, 2026. RNT