MANILA, Philippines – Humantong sa pagkakakulong ang sinapit ng isang kagawad ng barangay nang barilin nito ang isang lalaking humarang sa kanya at akmang sasaksakin siya sa Malabon City kahapon.
Si alyas Justine, 36, kagawad ng Brgy. Ibaba sa Malabon, ay inaresto ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan.
Dinala naman sa pagamutan ang biktimang si alyas Ferdie matapos magtamo ng tama ng bala sa kaliwang hita.
Base sa ulat na nakalap mula sa tanggapan ni Col. Baybayan kay P/BGen. Arnold Abad, director ng Northern Police District (NPD), alas-2:00 ng madaling-araw habang nagpapatrulya si Justine sa Tiangco St., Brgy. Ibaba nang maharangan siya ng biktima.
Dahil dito, bumaba ng motorsiklo si Justine at sinabihan ang biktima na huwag humarang sa daan. Subalit sa halip na tumabi, itinulak at sinigawan pa ang kagawad at bumunot ng patalim.
Sa salaysay ni Justine sa mga pulis, nakaramdam siya ng panganib kaya’t agad niyang binunot ang kanyang baril at pinaputukan ang biktima sa hita.
Isang 9mm CZ pistol na kargado ng tatlong bala ang nakumpiska mula sa kagawad. Lisensyado ito, subalit wala siyang naipakitang permit to carry outside of residence. (Merly Duero)