MANILA, Philippines – Nagdeklara ang Malakanyang ng multiple special non-working days para ngayong buwan ng Hunyo at Hulyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng serye ng nilagdaang proklamasyon para kilalanin ang local festivals, mga anibersaryo, at historic figures.
Batay sa tinintahang proklamasyon, idineklara ang mga local holidays upang pahintulutan ang mga residente na makasama at makiisa sa cultural at historical events na mahalaga sa kanilang komunidad.
Sa pamamagitan ng Proclamation Nos. 931 at 932, ang special non-working days ay idineklara sa Sabangan, Mountain Province, at Calanasan, Apayao, para sa kanilang ika-62 anibersaryo ng pagkakatatag, sa araw ng Miyerkules, Hunyo 25.
Ang limang special non-working days na idineklara ng Malakanyang para sa araw ng Martes, Hulyo 1, ay ang:
Ika-63 founding anniversary ng Pangantucan, Bukidnon (Proclamation No. 933)
Ika-69 founding anniversary ng Maramag, Bukidnon (Proclamation No. 934)
Ika-65 charter anniversary ng San Carlos, Negros Occidental (Proclamation No. 935)
Ika-69 founding anniversary ng Kibawe, Bukidnon (Proclamation No. 936)
Ika-112 founding anniversary ng Dipolog, Zamboanga del Norte (Proclamation No. 943)
Sa ilalim ng Proclamation No. 937, isang special non-working day ang idineklara para sa araw ng Martes, Hulyo 15, sa Mauban, Quezon, upang ipagdiwang ang Araw ng Mauban.
Idineklara rin sa ilalim ng Proclamation No. 939 ang Hulyo 15 bilang special non-working day sa Cordillera Administrative Region (CAR) para sa ika-38 founding anniversary nito.
Idineklara rin na holiday ang araw ng Biyernes, Hulyo 18, para sa Digos, Davao del Sur, sa ilalim ng Proclamation No. 938 para sa Padigosan Festival, sa halip na Hulyo 19.
Idineklara naman ng Malakanyang sa ilalim ng Proclamation Nos. 940 at 941 ang araw ng Lunes, Hulyo 21, bilang special non-working day sa Maria Aurora, Aurora, para sa ika-76 founding anniversary nito; at sa Mabalacat, Pampanga, para sa ika-13 cityhood anniversary nito.
Samantala, sa ilalim ng Proclamation No. 942, idineklara ang araw ng Biyernes, Hulyo 25, bilang special non-working holiday sa Tanjay, Negros Oriental, para sa Sinulog sa Tanjay Festival.
Samantala, ang mga special non-working days ay karaniwang idinedeklara upang magawa ng mga mamamayan na gunitain ang mga mahahalagang lokal na okasyon, ipagdiwang ang mga kultural na tradisyon, o alalahanin ang mahalagang historical figures. Kris Jose