MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman kay Vice President Sara Duterte at iba pang opisyal na magpaliwanag sa kasong plunder, technical malversation, bribery, at katiwalian na inirekomenda ng Kamara na masampa laban kay Duterte.
Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds nito.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, kabilang din sa respondents ang chief of staff ni Duterte na si Zuleika Lopez, special disbursing officer Gina Acosta, mga dating opisyal ng Department of Education na sina Sunshine Fajarda, Edward Fajarda, Annalyn Sevilla, at Nolasco Mempin, maging si Col. Raymund Lachica, commander ng security group ng Bise Presidente.
Inatasan ng Ombudsman ang mga respondent na isumite ang kanilang counter-affidavit at affidavits ng mga testigo, gayundin ang ibang supporting documents, sa loob ng sampung araw.
Babala ni Martires, sakaling mabigo ang mga respondent na isumite ang kanilang counter-affidavit, ituturing ito na waiver ng mga respondent o inaalis na nila ang karapatang kontrahin ang mga ebidensya. Teresa Tavares