MANILA, Philippines – Ipinagmalaki ng Supreme Court ang mga naresolba nitong kaso sa taong 2024.
Sa inilabas na datos ng SC, umabot sa 4,294 ang mga naresolbang kaso kabilang ang itinuturing na landmark decision sa Deduro vs. Vinoya kung saan idineklara ng Korte na labag sa karapatang pantao ang Red-tagging, vilification, labeling at guilt by association.
Nakagawa din na disposition rate ang Supreme Court na 22 percent na mas mataas kumpara sa 21 percent noong 2023 at 19 percent noong 2022.
Kabilang sa mahahalagang desisyon na lumabas nitong 2024 ay ang G.R. No. 254753 na naglaan ng ligal na kahulugan sa Red-tagging o pagbansag sa mga aktibista at pagbansag sa mga sumasalungat bilang communist rebels.
Magugunita na sa 39 pahinang decision ng SC, itinuturing na banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga biktima ang red tagging kaya maaaring magpalabas ang SC ng writ of amparo pabor sa biktima.
Inilabas ng mataad na hukuman ang landmark decision bunsod ng naging petisyon ni Siegfred Deduro, isang Iloilo-based activist at dating kinatawan ng Bayan Muna party.
Sa isa pang kontrobersyal na kaso na may kaugnayan sa right to life, liberty and security, pinaboran ng Supreme Court ang petition ng dalawang environmental activists na humingi ng proteksyon laban sa mga otoridad na dumukot sa kanila nitong 2023.
Itong taon din lumabas kontrobersiya hinggil sa Philippine offshore gaming operation (POGO) at ang mga congressional inquiries hinggil sa usapin.
Ibinasura ng Supreme Court ang kahilingan ni dating presidential spokesperson Herminio “Harry” Roque Jr. na maglabas ng writ of amparo laban sa House Quad Committee.
Igniit ng Supreme Court na ang writ of amparo ay hindi akmang pangharang laban sa contempt at detention orders ng kongreso.
Makasaysayan din ang desisyon ng SC nang ideklara nito na na kahit ang mga nahatulan sa karumal-dumal na krimen ay karapat-dapat din benepisyo ng Good Conduct and Time allowance (GCTA).
Samantala, tiniyak ng SC na patuloy din nito na lilinisin ang hanay ng hudikatura mula sa mga tiwali at korap. TERESA TAVARES