ALFONSO CASTAÑEDA, Nueva Vizcaya – Isang malagim na trahedya ang sabay-sabay na nahulog ang 43 estudyante at 7 guro nang bumagsak ang dinadaanan nilang hanging bridge sa Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PMaj. Glanery Cabeliza, hepe ng Alfonso Castañeda Police Station, patungo sa kabilang Sitio ang mga guro at estudyante mula sa Abuyo National High School para sa kanilang intramurals nang maganap ang insidente.
Tatlo sa mga biktima na kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki ang dinala sa pagamutan matapos na makaranas ng pananakit sa katawan, dibdib, pagkahilo at pagduduwal.
Habang ang iba ay dinala sa Rural Health Unit (RHU) para masuri ang kanilang kalagayan ngunit sila ay pinauwi rin matapos na makitang maayos ang kanilang sitwasyon.
Ayon kay PMaj. Cabeliza, gawa sa tali ang tulay at mayroon na din itong katagalan na hindi na kinaya ng hanging bridge ang bigat ng mga estudyanteng sabay-sabay na dumaan kaya ito bumigay.
Tinatayang nasa tatlo hanggang apat na metro ang taas ng bumigay na tulay kung saan bumagsak ang mga biktima sa buhangin at bato dahil nasa dulo na ang mga ito nang tuluyang nasira ang hanging bridge.
Kung kayat pinaalalahanan ang publiko na iwasan na ang sabay-sabay na pagdaan sa mga hanging bridge lalo na ang mga luma na upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. Rey Velasco