MANILA, Philippines – Nagbukas ng 435 job opprotunities ang Croatian Employment Services para sa mga Pilipinong manggagawa sa ilalim ng Government-to-Government (G2G) hiring program, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang job openings ay sakop ng tatlong major positions sa hospitality at food service sectors: 255 room attendants, 110 waiters, at 70 cooks.
Ayon kay Cacdac, ang mga makakapasok ay makakatanggap ng sahod mula sa €976.99 hanggang €1,079.24, o ₱62,500 hanggang ₱69,000 gross monthly, depende sa posisyon.
“This marks a significant step in expanding safe overseas employment opportunities for Filipinos in Europe,” saad ni Cacdac, tinutukoy ang G2G agreement na isinaayos ni President Marcos.
“The DMW continues to expand government-to-government hiring initiatives that guarantee fairness, transparency, and protection for overseas Filipino workers,” dagdag niya.
Ang mga kwalipikasyon nito ay: ang mag-aapply ay kailangang Filipino citizen, nasa 18-anyos pataas, nakapag-kompleto ng at least 10 years of education (secondary level), mayroong TESDA NC II Certification sa kaugnay na larangan, at pisikal at mental na angkop para sa trabaho sa ibang bansa.
Aniya, kailangan ang English proficiency pero hindi mandatory ang prior work experience.
Dapat ding magpakita ng valid NBI clearance, PSA-issued birth certificate, at passport na may validity man lang ng isang taon.
Ang mga interesadong aplikante ay kailangang magparehistro online sa pamamagitan ng DMW Portal (https://portal.dmw.gov.ph), makakuha ng appointment, at personal na isumite ang kanilang mga documentary requirements sa DMW Central Office sa Ortigas o anumang DMW Regional Office. Ang mga pagsusumite sa pamamagitan ng courier ay hindi tatanggapin. Ang mga may kumpletong dokumento lamang ang ipoproseso.
Ang deadline para sa pagsusumite ng mga aplikasyon ay Setyembre 24, 2025, habang ang mga panayam para sa mga pre-qualified na aplikante ay naka-iskedyul sa Oktubre 15, 2025 (Miyerkules) sa Mandaluyong City.
Pinaalalahanan ng DMW ang mga aplikante na ang mga may kumpletong dokumento lamang ang tatanggapin at ang paglipat ng mga appointment sa pagitan ng mga tanggapan ng DMW ay hindi papayagan.
Ang listahan ng mga pre-qualified na aplikante para sa panayam ay ipo-post ng Departamento. RNT/MND