Home NATIONWIDE 46 suspek tiklo sa P4.4M shabu, marijuana sa Calabarzon

46 suspek tiklo sa P4.4M shabu, marijuana sa Calabarzon

367
0

MANILA, Philippines — Arestado ang 46 katao sa magkakahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) mula Oktubre 3 hanggang 4, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa ulat ni Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, hepe ng PNP Region 4A, sinabi niyang nagsagawa ng 33 operasyon ang mga anti-drug unit mula alas-6 ng umaga ng Biyernes hanggang alas-6 ng umaga ng Sabado, na nagresulta sa pagkakasamsam ng 648.73 gramo ng shabu at 21.04 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P4.4 milyon.

Kabilang sa mga naaresto ang dalawang umano’y big-time traffickers na sina “Mart” at “Fighter,” na nahuli sa isang buy-bust operation sa Barangay Sampaloc 4, Dasmariñas City, Cavite bandang alas-6 ng gabi noong Biyernes.

Nasamsam mula sa kanila ang apat na sachet ng shabu na tumitimbang ng 250 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1.7 milyon, base sa Dangerous Drugs Board (DDB) valuation na P6,800 kada gramo.

Itinuturing na high-value individuals (HVI) ang dalawa, isang kategorya para sa mga financier, trafficker, manufacturer, importer, o miyembro at lider ng mga sindikato ng droga.

Noong nakaraang buwan, umabot sa 892 suspek ang nadakip sa rehiyon at mahigit P9.9 milyon halaga ng droga ang nakumpiska.

Kasalukuyang nakakulong ang mga naarestong suspek at mahaharap sa kaso sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here