MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang 49 na dayuhan sa isang raid sa pinaniniwalaang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) site sa isang commercial building sa Macapagal Avenue sa Pasay City nitong Biyernes ng gabi, Marso 14, ayon sa
Bureau of Immigration.
Ikinasa ng mga tauhan mula sa Immigration Bureau at National Bureau of Investigation kasabay ng mission order na iniulat na scam hub.
Naaresto ang mga dayuhan matapos makatanggap ang BI ng impormasyon na ang mga suspek ay nag-ooperate ng fraudulent online hub at nagpapanggap bilang isang lehitimong digital service.
Target umano ng mga empleyado ang mga lokal at dayuhang biktima sa iba’t ibang digital platforms.
Nagtatrabaho rin ang mga suspek nang walang kaukulang visa, habang ang dalawa ay tinukoy na mayroong aktibong derogatory records.
Kabilang dito ang 29-anyos na lalaking Bangladeshi na nasa ilalim ng watchlist order sa kaugnayan sa illegal recruitment activities, at 25-anyos na lalaking Pakistani na nasa ilalim ng alert list order na may kaugnayan sa hinihinalang financial fraud.
Kasunod ng booking at documentation procedures, ang mga naarestong indibidwal ay mahaharap sa deportation proceedings at blacklisting. RNT/JGC