Home NATIONWIDE 49 flood prone areas sa NCR tinukoy ng MMDA

49 flood prone areas sa NCR tinukoy ng MMDA

307
0

MANILA, Philippines – Tinukoy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 49 flood-prone areas sa National Capital Region (NCR).

Sa press conference nitong Lunes, Hulyo 14, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na kabilang dito ang G. Araneta Avenue, Banawe Avenue, EDSA malapit sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, Maysilo sa Mandaluyong, España Boulevard at Taft Avenue sa Manila.

“Talaga pong mababa ‘yung lugar na ‘yun (Banawe cor. N.S. Amoranto), doon naiipon galing sa taas sa QC—kailangan talaga kung makikita nyo apat na pumping station ang nakapalibot sa area… talaga pong volume dahil masyado siyang mababa para i-pump-out ang basura,” ani Artes.

Naniniwala si Artes na naka-ambag din sa pagbaha sa Taft Avenue at iba pang bahagi ng Ermita, Manila ang dolomite beach project.

“Kung makikita nyo, may tatlong labasan ng tubig, Faura, Remedios. Nu’ng ginawa ang dolomite beach… Sinaran itong tatlong outfalls na ito, in-intercept…’yung tubig ay pinadaan sa sewerage treatment plant para paglabas ng tubig ay malinis. Ang observation lalo pag tag-ulan ay hindi kayang i-convey kaya naiipon,” sinabi pa ni Artes.

Samantala, nakapag-ambag din sa pagbaha at “carmageddon” ang nagpapatuloy na MRT-7 construction sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

“Sa Commonwealth Avenue—yun pong poste ng MRT-7 na ginagawa… Nakaharang siya don po sa isang drainage na naharang na niya ‘yung drainage kaya hindi agad nakalabas yung tubig,” paliwanag ni Artes.

Pinaplantsa na ng MMDA ang planong magtayo ng water impounding facility sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City para tugunan ang matinding pagbaha sa EDSA sa naturang lugar.

Magtatayo rin ng karagdagang pumping stations ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa ngayon ay mayroong 71 pumping stations na pinatatakbo ang ahensya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here