Home HOME BANNER STORY 49 pulis-Bamban sibak sa pwesto sa POGO probe

49 pulis-Bamban sibak sa pwesto sa POGO probe

MANILA, Philippines – Inalis sa pwesto ang lahat ng 49 pulis ng Bamban, Tarlac municipal police kasabay ng imbestigasyon sa nilusob na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanilang bayan.

Sa pulong balitaan, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang turnover ng mga bagong pulis ay isinagawa nitong Lunes.

“Kahapon po ay pinangunahan po ng regional director ng Police Regional Office 3 si Brigadier General Jose Hidalgo Jr. ‘yung turnover po diyan sa Bamban Municipal Police Station kung saan 49 na PNP personnel po ni-relieved po,” ani Fajardo.

Ang mga inalis na pulis ay inilipat sa personnel holding and accounting unit at sasailalim sa reformation program.

Ayon kay Fajardo, ang mga kapalit ay mula sa Regional Mobile Force Battalion 3, at kalapit na mga istasyon ng pulis.

Ito ay kasunod ng pagsuspinde ng Ombudsman kay Bamban Mayor Alice Guo at dalawa iba pang lokal na opisyal ng pamahalaan ng hanggang anim na buwan.

Ang reklamo ay inihain sa Ombudsman noong Mayo 24 at nag-ugat sa pagbibigay ni Guo ng permit sa Hongsheng Gaming Technology Inc. sa kabila ng bigong pagkumpleto nito sa mga requirement at pagkakaroon ng pasong lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

“Given [the] respondents’ power and authority, there is a strong probability that they may influence witnesses or tamper with any evidence material to the case,” sinabi ng Ombudsman sa siyam na pahinang kautusan.

Bukod kay Guo, sinuspinde rin sina Business Permit and Licensing Officer Edwin Ocampo at Municipal Legal Officer Adenn Sigua.

Noong Marso 13, nilusob ng mga awtoridad ang 10 ektaryang lugar na pinatatakbo ng Zun Yuan Technology Inc. at nakitaan ng mga kagamitan na may kaugnayan sa POGO operations.

Mahigit 600 Filipino at mga dayuhan ang sinagip sa nangyaring paglusob.

Ang complex na nauna nang ni-raid noong 2023, ay operated ng Hongsheng Technology Inc., na ngayon ay iniuugnay kay Guo. RNT/JGC