Home OPINION 4K MAGSASAKA NAGMAY-ARI NG LUPANG SINASAKA SA MAHIGIT 4 NA DEKADA

4K MAGSASAKA NAGMAY-ARI NG LUPANG SINASAKA SA MAHIGIT 4 NA DEKADA

MATAPOS ang mahigit 40 taon nang pagsasaka, nakamit ng halos 4,000 magsasaka sa Central Visayas ang lupang kanilang sinasaka.

Walang pagsidlan ng galak ang 3,855 na magsasaka at todo pasasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang  mapasakamay nila ang Certificate of Land Ownership Awards  matapos ang apat na dekadang paghihintay.

Ang ibang tumanggap ng CLOA ay halos uugod-ugod na pero bakas pa rin sa kanilang mukha ang sigla at saya dahil sa totoo ang kanilang paniwalang “pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy”.

Isipin na lang na ilang administrasyon ang nagdaan mula nang isulong nina dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr, at kanyang iniupong kalihim ng Department of Agrarian Reform na si Secretary Conrado Estrell Sr. na magkaroon ng sariling lupang sakahan ang mga magsasaka pero isa man sa mga humalili sa dating Pangulo ay hindi naisakatuparan ito.

Kaya siguro itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. bilang kanyang DAR Secretary si Conrado Estrella III ay upang masundan nila ang layunin ng kanyang ama at ng lolo ng kalihim na maipamahagi sa mga magsasaka ang lupang kanilang sinasaka.

Sabi pa nga ni Pangulong BBM, baka raw multuhin sila ng kanyang ama at ng lolo ni Secretary Estrella III kapag hindi nila isinagawa ang pamamahagi ng lupa.

Habang ipinamamahagi nga ni Pangulong BBM ang CLOA sa mga benepisyaryo, nakatawag pansin sa kanya ang isang matanda na umabot na sa 101 ang edad bago pa man sumayad sa kamay ang patunay na siya na ang nagmamay-ari ng lupang sinasaka.

Pinapurihan pa nga ng Pangulo ang matanda at sinabing ito raw ang pinakamasigasig pinakamalakas na magsasaka na talagang nagtiyagang maghintay hanggang makamit ang tagumpay.

At ang maganda sa sinabi ng Punong Ehekutibo na hindi lang daw ang mga magsasaka sa Central Visayas ang makakatanggap ng CLOA kundi ang iba pang mga magsasaka sa lahat ng panig ng kapuluan.

Ang maganda pa, bukod sa pamamahagi ng titulo, namahagi rin si PBBM ng mga kagamitang pang-agrariyo sa mga benepisyaryo na umabot sa halagang P17.5 milyon kaya ganoon na lang ang tuwa ng mga magsasaka.

May sarili na kasi silang lupang sasakahin, mayroon pa silang mga kagamitan para sa pagtatanim at pagsasaka.