Home NATIONWIDE 4K pang teacher posts na kukumpleto sa 20K hiring target sa 2025,...

4K pang teacher posts na kukumpleto sa 20K hiring target sa 2025, aprub na ng DBM

MANILA, Philippines -INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang second batch ng teaching positions na kokompleto sa 20,000 new teaching items para sa taong 2025.

Sa katunayan, kinumpirma ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang pag-apruba sa 4,000 bagong Teacher I (Salary Grade 11) position, kasunod ng naunang pagpayag na 16,000 position noong nakaraang buwan.

“Sa ngayon, kumpleto na po at buo na ‘yung 20,000 na request po sa atin ng DepEd for 2025,” ang sinabi ni Pangandaman.

Ang mga bagong posisyon ay inilalaan bilang mga sumusunod: 1,658 para sa kindergarten at elementary, 391 para sa junior high school, at 1,951 para sa senior high school, para sa deployment sa school year 2025-2026.

“Parte pa rin po ito ng hangarin ni Pangulong Bongbong Marcos na madagdagan ang ating mga guro at matutukan nang mabuti ang mga estudyante. Ang sabi po n’ya, tulung-tulong lahat ng ahensya lalo na sa pagbubukas muli ng mga klase sa bansa. So, that’s what we’re doing,” ang sinabi ng Kalihim.

Ang pondo para sa mga bagong posisyon ay huhugutin mula sa Built-in Appropriations ng Department of Education sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act, partikular na sa ilalim ng “New School Personnel Positions” program.

Nauna nang inaprubrahan ng DBM ang 10,000 na non-teaching positions para sa DepEd.

Ayon kay Pangandaman, ang hakbang ay magbibigay ng suporta sa mga guro.

Paglilinaw nito na ito ay bukod pa sa naunang 16,000 na bagong teaching position na kanilang inaprubahan noong nakaraang linggo.

Dagdag pa nito na ang inaprubahang posisyon ay itatalaga bilang Administrative Officer II na may salary grade 11 at ito ay ipapakalat sa mga elementary schools, junior high schools at senior high schools sa buong bansa.

Nais kasi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na magkaaroon ng dagdag na non-teaching personnel para mabawasan ang load ng mga guro at makapag-focus sila sa kanilang pagtuturo. Kris Jose