MANILA, Philippines – IWINAKSI ng Malakanyang ang lumalagong public anxiety sa posibilidad ng isang global war.
Tiniyak ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ganap na handa ang gobyerno para tumugon sa anumang kaganapan sa gitna ng tumataas na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa katunayan aniya ay inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng kinauukulang ahensiya na iprayoridad ang proteksyon at kapakanan ng mga overseas Filipinos, lalo na iyong nasa high-risk areas.
“Ang gustong iparating ng Pangulo, handa po tayo sa anumang mangyayari. Lahat po ng kailangan ng taumbayan ay tutugunan po ng pamahalaan,” ang sinabi ni Castro.
“‘Wag po sila mag-alala dahil ang gobyerno ngayon ay nagtatrabaho para sa ating lahat,” aniya pa rin.
Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay kasunod ng pagdagsa ng pangamba hinggil sa potensiyal na pag-usbong ng World War III, kapag ang labanan sa pagitan ng Israel at Iran ay patuloy na umigting.
Sinasabing, mas lalo kasing tumaas ang tensyon nang atakihin ng Amerika ang tatlong nuclear sites ng Iran kabilang ang underground uranium enrichment facility sa Fordo, napaulat na sinabi ni US President Donald Trump.
Sa isang post sa social media, sinabi ni Trump na nakumpleto ng Amerika at matagumpay ang kanilang naging pag-atake.
“We have completed our very successful attack on the three Nuclear sites in Iran, including Fordow, Natanz, and Esfahan,” sabi ni Trump.
Sinabi rin ni Trump na binagsakan ng mga bomba ang Fordow na itinuturing na “primary sites”.
Gumamit ang Amerika ng B-2 Spirit stealth bombers.
Ang B-2 ay isa sa most advanced strategic weapons platforms ng US.
“A full payload of BOMBS was dropped on the primary site, Fordow,” sabi ni Trump.
Winika pa rin ni Trump na great American warriors ang mga nambomba sa mga nuclear facilities na ligtas naman aniyang nakauwi.
Sa kabilang dako, nanawagan naman Department of Foreign Affairs (DFA) na maging mahinahon at pairalin ang diplomasiya.
“The Philippines continues to reiterate the need for a peaceful and diplomatic solution to this crisis,” ang sinabi ng departamento.
Inulit naman ni Castro ang mensaheng ito ng DFA, sinabi na suportado ni Pangulong Marcos ang pagsisikap na maiwasan ang giyera at panatilihin ang kapayapaan sa buong rehiyon.
“Ang panawagan din po ng Pangulo ay magkaroon po ng mapayapang pag-uusap at diplomacy para maibsan ang lumalalang gulo,” ayon kay Castro.
“Kailangan din pong manindigan para sa pandaigdigang kapayapaan para maging matatag ang global community,” ang pahayag pa rin ni Castro. Kris Jose