MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Ports Authority (PPA) nitong Biyernes na inaasahan nito ang halos apat na milyong biyaherong Pilipino ang daraan sa seaports ng bansa ngayong Kapaskuhan.
Mas mababa ito kumpara sa limang milyong pasahero sa pagtataya nito noong nakaraang taon.
“We’re computing also the dates, parang maiksi din kasi yung Christmas break natin. If you look at the weekends, hindi nagca-carry over e,” pahayag ni PPA General Manager Jay Santiago sa Kapihan sa Pantalan forum sa Manila.
Gayunman, sinabi ni Santiago na magpapatupad pa rin ang PPA ng “all-hands-on-deck” na paghahanda para sa inaasahang exodus.
“Starting December 22 to January 3, no leaves will be approved. Full manpower complement tayo sa mga terminals natin. Yung mga terminals natin, they are in coordination with shipping lines para masigurado yung mga schedule ng mga barko. They are in coordination with the PCG (Philippine Coast Guard), with the MARINA (Maritime Industry Authority) also,” pahayag ng opisyal.
Dagdag niya, may nakalatag na protocols sakaling sumama ang panahon.
“Alam na ng mga personnel natin sa terminals natin what they should do and what assistance they should extend sa mga kababayan who may be stranded,” aniya.
Pinayuhan din ni Santiago ang mga pasahero na agahan ang pag-book ng kanilang mga ticket, at kung posible ay kaunti lamang ang dalhin.
“Check natin doon sa mga destination na pupuntahan natin kung meron pa ba silang restriction sa pork and chicken products dahil meron pa din tayong mga probinsiya na merong binabantayan sa ASF (African Swine Fever) at tsaka sa bird flu. Baka bawal yung pork products whether processed or raw… Kino-confiscate ng Bureau of Quarantine yan so sayang lang,” dagdag niya. RNT/SA