Home METRO 59 POGO workers nasagip

59 POGO workers nasagip

DAVAO CITY- Naaresto ang 59 empleyado ng isang illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa isang raid sa warehouse sa Purok 6 New Malitbog, Barangay Manay, Panabo City, Davao del Norte nitong Biyernes ng madaling araw.

Sa isang press conference, sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI)-Davao spokesperson Ely Leano na ang mga nadakip na indibidwal ay 55 Chinese, tatlong Malaysians, at isang Pilipino.

Ayon kay Leano, ang mga nadakip na manggagawa ay pinaniniwalaang “remnants” ng illegal POGO hubs sa Luzon kasunod ng pagsasara ng mga ito at pagkakatatag ng panibagong POGO hub sa lalawigan. “It cannot be denied that there are POGO hubs in the region,” anang opisyal.

Pagmamay-ari umano ang POGO, tatlong buwan pa lamang nagsasagawa ng operasyon, ng isang Chinese firm na tinatawag na Jinsheng International.

Galing sa Manila ang mga nadakip na manggagawa, base kay Leano.

Ani Leano, ipinagbigay-alam sa NBI-Davao ng central office ng isang Malaysian national, kinilala lamang sa tawag na Ruby Lim, isang POGO worker sa Manila, na humingi ng tulong sa mga awtoridad matapos itong dukutin at itago sa loob ng isang POGO hub sa warehouse sa Panabo.

Nagsagawa ng tatlong araw na surveillance kung saan napansin ng mga operatiba ang ilang Chinese nationals na labas-masok sa warehouse.

Sinabi ni Leano na ang warehouse ay dating storage facility para sa agricultural inputs na pagmamay-ari ng isang negosyanteng Pilipino. Magpapalabas umano ng subpoena sa warehouse owner.

Inihayag ni NBI-Davao Director Archie Albao na ibinigay ni Lim ang ”exact location” ng POGO hub sa NBI Central Office.

Hindi natagpuan si Lim sa warehouse dahil sinabi ng mga manggagawa na dinala siya sa ibang lugar, sumakay sa isa sa dalawang sasakyan na umalis sa compound bago ang raid.

Noong Nobyembre 5, ipinalabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 74 na nagpapataw ng “immediate ban on offshore and internet gaming in the Philippines.”

Nakasaad sa kautusan na “all POGOs/IGLs and other offshore gaming operations and other offshore gaming-related/auxiliary/ancillary services with issued licenses, permits are expected to completely cease operations, including the winding up of their affairs, on Dec. 31, 2024 or earlier.”

Gumugulong naman ang pursuit operation upang masagip si Lim at maaresto ang iba pang POGO workers. “If there is a worker who refuses to cooperate, they will inflict harm on you. They will be tortured. This Ruby Lim wanted to escape but she managed to send messages to authorities,” dagdag niya.

Narekober mula sa warehouse ang 60 computers at mahigit 100 mobile phones, ilang pakete ng Chinese cigarette brands, mga pasaporte at identification cards, mga baril at bala, posas, at sirang wooden club.

Kukuha ang mga awtoridad ng cyber warrant mula sa isang trial court upang masuri ang nasabat na mobile phones at computers. RNT/SA