MANILA, Philippine- May problema na talaga umano ang preno ng truck na sangkot sa road crash sa Quezon City nitong Huwebes bago pa man ang insidente, base sa mga awtoridad.
Inihayag ni Police Captain Napoleon Cabigon na sinabi ng truck driver na nakararanas na ng brake issues bago pa umabot sa Aurora Boulevard flyover sa Katipunan Avenue, kung saan naganap ang insidente.
“Malayo pa lang sa pinangyarihan, naramdaman niya ‘yung kanyang brake, medyo matigas na raw,” ani Cabigon.
“Ang mali niya, tinuloy pa rin niya ‘yung biyahe. Dapat hininto muna niya, chineck-up ang sasakyan para sana nakaiwas sa ganung sakuna,” dagdag niya.
Nagresulta ang insidente sa apat na nasawi at nag-iwang sugatan sa 30, kabilang ang isang motorcycle rider na si Randy Hongay, na inilarawan ang truck na mabilis ang takbo nang maganap ang insidente.
“Humarurot ‘yung truck. Bale ako, nasagi ng truck tapos ‘yung truck dire-diretso pa hanggang maabutan niya ‘yung maraming sasakyan sa dulo,” wika ni Hongay.
“Walang narinig na busina. Kahit ingay ng mga pahinante, wala,” dagdag niya.
Nagtamo si Hongay ng galos sa katawan matapos mabangga ang kanyang motorsiklo dahilan upang mahulog siya.
“Sobrang na-trauma. ‘Pag may sasakyan na darating na lalagabog, natatakot ako. Hindi ko na alam ang gagawin,” pahayag niya.
Naghain naman ng reklamo sa traffic sector ang mga kaanak ng isa sa mga nasawi, subalit tumangging magbigay ng pahayag.
Nagpalabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order (SCO) laban sa registered owner at sa driver of the truck.
Inihayag ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ipinalabas ang SCO bilang bahagi ng gumugulong na imbestigasyon.
“Part of the investigation we are conducting is to determine if there are lapses on the part of the registered owner, especially on the aspect of road worthiness and the employment of the driver,” pahayag ni Mendoza.
“Assec. Mendoza said the driving privilege of the truck driver was preventively suspended for 90 days and was also ordered to surrender his driver’s license on or before Dec. 10, the scheduled first hearing,” the statement read. “Assec. Mendoza also said that the driver’s license and plate number will be placed under alarm preventing any and all transactions while under investigation,” dagdag pa. RNT/SA