MANILA, Philippines – INIULAT ng Office of Civil Defense (OCD) na may 5.39 milyong indibiduwal ang apektado ng patuloy na masamang lagay ng panahon, na may 27 katao ang beripikadong nasawi.
Sa isang mensahe, sinabi ni OCD public information officer Diego Mariano na ang mga taong apektado ay katumbas ng halos 1.54 milyong pamilya na nakatira sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Calabarzon, Mimaropa, Cordillera region, at National Capital Region.
Tinuran ni Mariano na ang estimated 461 evacuation centers ay tinutuluyan ng 12,194 pamilya, may katumbas na 42,203 katao.
Tinuran nito na ang tulong na ipinagkaloob sa mga apektadong komunidad ay umabot na sa P797 milyon.
Samantala, bineberipika naman ng OCD ang ulat na may 27 katao ang nasawi kung saan 15 katao ang mula sa Benguet; tatlo sa Rizal at tatlo sa Batangas; dalawa sa Caloocan; at bawat isa sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro, at Negros Occidental.
Ang bilang ng mga nasugatan ay nananatili sa 17, habang may isang katao ang nawawala.
Ang napinsalang bahay ay umabot na sa 1,787, habang ang tuluyang nawasak ay 206. KRIS JOSE